
OFW on AIR Episode 028 – Langgam Ka Ba o Tipaklong? / Chat with Gil Padernal Jr
- 1:11:40
- April 18th 2016
Ewan ko sa inyo, pero noong bata pa ako, madalas ko nang napapansin ang mga langgam lalo na tuwing tag-init. Masisipag ang mga ito at lalong nakakatuwa kung makita mo ang mabigat na dala-dala nila na pagkain habang nasa pila. Kung makakapagsalita kaya sila at makakausap natin, ano kaya ang mga payo nila sa atin?
Magandang araw po sa inyong lahat, sa ating mga ka-tsong na OFWs, sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. At sa ating mga ka-tsong na nagbabalak palang magtrabaho sa abroad, patuloy lang po sa pakikinig sa ating nakakawiling programa na ito upang mapaghandaan ninyo ang hamon na dala ng pagiging OFW. Ito nga pala ang inyong Kuya Tsong, na nagpapasalamat sa ating mga nakikinig lalung lalo na sa mga nagla-likes, sumusulat at nagkukumento sa ating website at facebook.
Para sa episode na ito, tingnan naman natin ang mapagkumbaba na mga langgam. Napapansin nyo ba ang mga langgam? Bihira nyo silang makitang nag-iisa, sama-sama sila at tulong tulong na naghahanap ng pagkain para sa reyna nila.
Likas sa mga langgam ang pakikisama sa kanilang community. Ang tawag sa kanilang barangay ay colony. Very focus po ang mga langgam sa kanilang reyna kaya sila ay natratrabaho ng mabuti upang siguraduhin na busog ang reyna at patuloy sa pagpapalago ng kanilang lahi. Nakakabilib ang kanilang paraan ng communication dahil, subukan mong harangan ang kanilang pila, mga ilang sandali lang ay may bagong linya na sila. Pagmasdan mo pag nagsasalubong ang dalawang langgam, parang may sinasabi kung nasaan ang pagkain. Masisipag rin sila at maayos sa pagganap sa kanilang tungkulin. Ang worker ant ay maghapon sa pagtrabaho samantalang ang soldier ant ay laging nakabantay sa bahay at handang ibuwis ang buhay kung may manggugulo sa kanila. Sila ay laging nag-iimbak ng pagkain sa tag-init para sa pagsapit ng tag-ulan ay di sila magugutom. Di tulad ng tipaklong, palaro-laro sa tag-init, good time to the max, hindi marunong mag-ipon kaya hirap pagsapit ng tag-ulan. Alam ng mga langgam na pabago bago ang panahon kaya lagi silang naghahanda. Ang galing nila ano, alam nila na may deadline sila kaya masinop sa pagtratrabaho at pag-iipon.
Siguro naman, alam na ninyo kung saan patungo ang ating usapan. Itanong natin sa ating sarili… ako ba ay langgam o isang tipaklong? Kung ikaw ay langgam, congratulations sa yo at ipagpatuloy mo yan. Kung ang tingin mo ay parang laro at di ka seryoso sa iyong trabaho, kaliwa’t kanan ang pagbili ng mga gadget kapag nakatanggap ng sweldo at mangungutang sa kaibigan kapag may emergency…siguro kaibigan…kausapin mo muna ang sarili mo sa salamin. Kausapin mo sya nang maigi at baguhin na ang istilo mo. Ayusin mo na ang buhay mo. Para sa mga ka-tsong na parang tipaklong umasta, tandaan na may deadline din kayo. After nang end of contract, ano na? At para naman sa mga naiwan sa Pilipinas na ang asawa or magulang ay nasa abroad, maging masinop sa paghawak ng perang padala mula sa Saudi o Hongkong o Taiwan. Magtipid para sa pagdating ng asawa o ng magulang mula sa abroad, may pera kayo na pansimula sa negosyo o sa anumang pangangailangan.
At itong makakausap natin sa interview portion ay siguradong isang langgam, madiskarteng langgam. Very proactive po sya, nagsimula bilang isang machine operator dito sa Canada at ngayon ay isang Financial Adviser na. Bueno, kalampagin na natin ang ere para mas marami tayong matutunan sa kanya. Narito po si Gil Padernal Jr, ng Edmonton, Alberta, Canada. Enjoy eh!
OFW On Air Podcast with Kuya Tsong | Overseas Filipino Workers (OFW) Community
A weekly podcast that showcases the journey of an authentic Overseas Filipino Worker (OFW) to educate, guide and inspire fellow Filipinos (kababayans) who are thinking, planning and pursuing to work abroad. The show is hosted by Kuya Tsong who believes in the quote that say "We rise by helping others".